Powered By Blogger

Chapter XVIII: Sisiw

         Sabi nila malaki ang kinalaman ng personalisad ng isang tao sa mga nakaraan niyang karanasan nung bata pa siya, na mariin ko namang pinaniniwalaan. Kaya kung pinalaking istrikto ang bata sa malamang istrikto rin siya paglaki o marahil rebelde, kung pinalaki na mang bara-bara maaring ang resulta ay ganun din at walang direksyon sa mga desisyon, na parang ginagawa ko ngayon. At marahil isa ito sa mga istorya kung bakit pariwara ang buhay ko at di ko makonek sa propesyon kinaaadikan ko.
        Minsan nakita ko ang batang pamangkin ko na may hawak na kulay pink na sisiw, ‘yun daw ay bunot niya sa tapat ng eskwelahan. Teka sa mga sosyalista, ang larong BUNOT ay isang uri ng sugal na karaniwang makikita sa tapat ng eskwelahan. Ang facilitator nito ay mga matatandang nomadic na may dalang kulungan na nahahati sa tatlong palapag, laman nito ay ang mga pugo, itik at singaw na sisiw na mabagal lumaki na kinulayan pa ng pink, orange, green at kung anu-ano pa depende sa tindang dyobus sa kanto na nagpapatingkad at bumubulag sa mga aliw na aliw na bata at nag-iisip bata.
        Pero kung gusto mong sumali ito ang mechanics ng sugal. Una ay bubunot ka ng isang kapirasong ginupit na papel sa loob ng plastic ng yelo ng facilitator matapos mo munang iabot ang piso para sure na di ka tatakbo. After n’un ay pipitik-pitikin mo iyon at aaninagin sa araw para malaman kung anong numero iyon from 1 to 6, pero sa totoo lang ay di naman talaga maaaninag, basta kaugalian na iyon ng sugal, kaya gawin mo na lang. Kung na fe-feel mo na na iyon ang numero, sasabihin mo sa facilitator ng malakas ang numerong napakiramdaman mo para hindi maa-invalid, then ilulubog mo ang papel sa tubig na kalagay sa takip ng garapon kalakip ang iyong panalangin upang ma verify kung tama ang iyong hula. Kung parehas ang iyong hula sa numerong nakatadhana sa papel, ngingiti ka then make-claim mo na agad in an instant ang gusto mong kinulayang hayop sa loob ng kulungan, pero kung hindi mo naman nahulaan pwedeng ubusin ang iyong baon mo o bumalik kinabukasan ng mga bandang alas-4 ng hapon.
        Sa kagaguhan palad, isa rin ako sa mga dating bata na nagpa-membership sa nasabing sugal for free, kaya alam ko pa rin ang mechanics pero hindi ko na pinangarap maging facilitator. Ang naaalala ko na lang ay ang istorya ng aking sisiw noong Grade 3 pa ako.
Dear Ate Charo;
        Itago mo na lamang ako sa pangalang Reniel, hindi tunay na pangalan. (minsan madalas ko itong naririnig sa ang entradang ito sa tele-drama, pêro parang may mali). Grade 3 ako noon ng una akong magkaroon ng kulay green na sisiw galing sa bunot malapit sa aming eskwelahan. Masaya ako, noong mga araw na iyon dahil “one take” ko lang nakuha ang sisiw na may pagyayabang, pêro natatakot akong iuwi sa amin dahil baka pagalitan ako ng aking Ama, dahil madadagdagan na naman ang manok sa amin. Ngunit nagbakasakali pa rin ako itong inuwi at patagong inilagay sa isang bakanteng kulungan sa gilid aming bahay. Noong mga unang araw ay palihim kong inalagaan ang sisiw kasabay ang palihim na unti-unting pagnakaw sa “Chick Booster” ng aking ama, na agad naman niyang nalaman dahil nahuli niya ako. Aw! Kaya noong tinanong ako kung anong gagawin ko sa patuka, sinabi ko na lang ang katotohanan kaysa sabihin kong nagugutom ako.
        Mabilis lumipas ang maraming araw, ngunit hindi pa rin lumalaki ang sisiw kasi singaw lang siya, pero kapansin-pansing kumukupas na ang dyobus sa kanyang mga pakpak at lumalabas na ang kayang tunay na kulay. Dahil tanggap na siya ng aking Ama, madalas ay nilalabas ko na ito kasama ang ilan kong mga kaibigan na may alaga ring sisiw. (Yeah… ang yabang!) Nagdaan pa ang ilang linggo at buwan malaki na ang pinagbago ng sisiw, tinutuka na rin niya ako kaya pinapalo ko na rin siya ng patpat. Hayop talaga ‘yun!, pinapakain na… tutukain pa ko! Pinalitan na ko na rin ang kanyang patuka, kasi nagbago na rin ang patuka ng aking Ama.
        Ate Charo, dumating ang araw ng aming Boy’s Scout Camping sa Panghulo, Obando; mga pitong Baranggay ang layo nito sa amin. Kailangan daw naming magbaon ng damit at pagkain dahil buong maghapon daw ang activity. Sa mga panahong iyon ay gustung-gusto kong sumama, ngunit ayaw ng aking Ama dahil wala daw kami pera hindi na ako tumatanggi dahil alam kong iyon ang katotohanan. Ngunit sabi nya;
Ama: sige lutuin natin ang manok mo, para may pambaon ka!
        Hindi na ako tumanggi dahil kinabukasan na ang Camping, masama man sa loob ko na bakit hindi na lang manok niya ang patayin para may mabaon ako. Hindi ko na inalam kung paano niya kinatay ang manok at anong luto ang ginawa niya, pero hindi ko na kinain ang baon ko noon kinabukasan dahil wala na akong gana. The End.
        Hindi ko gustong ipakita sa pahinang ito ang pagiging ewan ng aking Ama, Marami lang akong bagay na natutunan pagkatapos noon.
        Dumadaan ang maraming panahon at mga pagkakataong makakakilala tayo ng maraming maraming tao na magiging malaking parte ng ating buhay ngunit hindi natin maiiwasan na darating din ang panahon na kailangan iwan ang bawat isa sa iba’t-ibang kadahilanan. Hindi natin masasabi at mapipili ang mangyayari, kaya gawin natin higit na mas naaalala ang mga panahon na kasama natin sila. Kaya siguro nabubuo ang pahinang ito para samantalahin ang pagkakataong ibigay sa iba ang pasasalamat sa mga bagay na naranasan at natutunan ko.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento