Powered By Blogger

Chapter XXX: Moral Lesson


        Sa iksi ng buhay at mga karanasan masasabi kong sadyang mapaglaro ang panahon. Kung nararanasan mo ang pinakamahirap intindihin pangyayari sa buhay na halos gusto mo na isuko ang lahat, darating at darating pa rin ang pinakamaliwanag at makulay na kabanata ng iyong kwento. Sabi nga daw, walang makapagsasabing “stable” ang kanyang buhay kahit ang pinakamayamang tao sa mundo at kung inaantay mo ang salitang iyon, mistulang naghahanap ka ng pinakamaliit na karayom sa dilim, na putol pa ang iyong magkabilang kamay.
        Pero sa kabilang banda, isang bagay pa rin ang paraiso at  pinakamalinaw na salita, ang “Kuntento”. Hindi mo naman talaga kasi mahahanap ang tunay na kasiyahan kung wala kang kakuntentuhan sa iyong buhay. Ngunit hindi ko sinasabing hindi na kailangang gumalaw at umaaasang pumapatak lagi ang ulan, at lalong higit na hindi ko sinasabing manatili ka sa napakasimpleng buhay. Sapat na sigurong sabihing, ang kakuntentuhan ay mararamdaman kung alam mong hindi ka pinapaikot ng kahit anong bagay sa mundo at malaya mong nagagawa na di labag sa iyong kalooban ang mga bagay na iyong ninanais na tama sa paningin ng diyos at hindi lagi sa konsepto ng tao.
        Nagtataka siguro ang mga mambabasa kung bakit naiiba ang pahinang ito, pero aminin natin na sa kabila ng nakakatawang istorya ng buhay bilang isang Nurse ay ang mga simple ngunit importante aral na nakukuha natin sa pang araw-araw na pakikisalamuha sa iba.
        Naalala ko tuloy ang isa kong pasyente sa ICU na kakwentuhan ko dahil hindi naman siya ganung katoksikan. Sinabi niya sa’kin na,
Pasyente: Pag ang isang tao ay naging tapat sa kanyang trabaho na walang halong pansariling intensyon, sigurado mamahalin din s’ya ng kanyang trabaho.
Bob-Piz: Di nga? (Joke)
        Isa kasi s’yang karaniwan mangagawa sa isang pier malapit sa Tondo. Tagabuhat siya ng malalaking kahon paakyat ng RORO vessels, (Habang kinakanta ang Yellow Submarine). Sadyang wais ang kanyang amo pinain n’ya ang malaking pera sa kanya para malamang kung faithful na servant s’ya. Pero dahil hindi s’ya na tempt at pinili n’ya na wag kunin ang P20,000 na sadyang kunwari’y naiwan. Binalik n’ya ito sa kanyang amo, na parang palabas na nakikita sa mga balitang taxi driver na nagsauli ng pera sa mga nakaiwang pasahero. Natuwa naman ang kanyang amo, pinagkatiwalaan n’ya ito at pinag-aral din ang kanyang mga anak. Lumipas din nag panahon at ginawa s’ya supervisor ng kanilang kompanya. Simula noon at tinamasa niya ng maginhawang buhay at nakapagtapos ang lahat ng kanyang mga anak.
        Noong una, hindi ko ganong pinansin ang kwento n’ya dahil baka binobokahan n’ya lang ako, wais yata ‘to, hahaha! Pero natutunan ko ang pinakasimpleng “Rule of Work”, ang maging Tapat sa Trabaho. Minsan nawawala ito sa konsepto ng tao lalo na kung mahina at nasa dilim siya ng kanyang buhay. Pero kung patatalo tayo sa mga tukso at pagsubok ng buhay, malamang ay mistulang pating na nilalamon ang anino n gating propesyon. Hindi naman sukatan kahit minsan ang kahit anong katanyagan o ang yaman ang importante ay malinis ang iyong kunsensya mo at hindi mo tinatapakan ang sarili mong pangalan.
        Maraming kwento ang napapadaan, maraming istorya ang napag-iiwanan ngunit sana kahit minsan ay hindi ko makalimutan ang mga aral na nararanasan ko sa aking mga pagkakamali na minsan bumago sa larawan ng aking buhay. Hindi ko man maabot ang pinakamaliwanag na kabanata nang pahinang ito, sapat na sa aking na maintindihan ang mga simpleng pangyayari ng buhay ay tulay at hagdan sa susunod kong karanasan.