Powered By Blogger

Chapter XXXI: Pader

         Sa isang di kilalang lugar ay mayroong nakatayong mataas na pader na naiwan noong ikalawang digmaang pandaigdig. Gawa iyon sa mga naglalakihang klase ng bato na di na karaniwang makikita sa kasalukuyang panahon. Sa malayo ay para itong harap ng simbahan ngunit walang tagiliran o likurang bahagi, at sa malapitan ay ang naaagnas nitong itsura na marahil na matagal na panahon na pagkakatayo nito.
        Sinasabing naging maalamat na rin ang nasabing pader dahil saksi iyon sa maraming pangyayari at kaganapan sa nasabing lugar. Nakwento pa nga na ang malaking pader na iyon ay naging tambayan ng mga magnanakaw at taong mapagsamantala ngunit nabuwag din ang grupong iyon pagkalipas ng ilang panahon.

        Madaling dumaan ang maraming araw, linggo, buwan, taon at dekada at sadyang nanatili ang pader, marami na rin ang nanirahan malapit dito mula sa iba’t ibang lugar. Ngunit di pa rin nagbago ang katayagan ng nasabing istraktura na halos nagbabago na rin ang itsura.

        Ngunit ika nga, lahat ng bagay ay tumatanda, lahat ay pwedeng buwagin at palitan lalo na kung ito ay nagsisilbing takot sa mga naninirahan dito. At ganun nga ang nangyari sa nasabing pader, nagmistula itong kalawang na umaagnas sa nga mga bakal, tinatakpan na rin nito ang liwanag na dapat ay tinatamasa ng maraming naninirahan sa nasabing lugar, pinasisikip na rin nito ang daanan ng hangin papunta sa mga eskinita na magbibigay na sariwang malalanghap at pinapatay na rin nito ang kagandahan at pag-asa ng nasabing lugar sapagkat nagiging takot na rin itong mabuwal.

        Maraming kuru-kuro ang lumabas, mga opinion at balakin kung paano tibagin ang nasabing pader. May mga nagsimula ngunit di nila natapos, may mga nagsasalita ngunit walang nagawa, may mga taong pinili pangang lumipat dahil sa takot na bagsakan sila nito.

        “Malabo ng matibag n’yo yan!, hinulma na yan ng panahon... sino ang maglalakas ng loob na tibagin ang pader na iyan kapalit ang mahabang panahon na paghihirap sa pagsisinsil sa ugat ng mga batong nakatapak sa lupa”; sabay tawa ng malakas ng isang taong naninirahan na ng matagal na di kalayuan sa nasabing pader. “Magsisilbing panambak lang ‘yan sa inyong libingan pagkatapos”, dugtong nito.

        “Hayaan n’yo na lang kasi ‘yan, kung madaganan kayo kasama ang inyong mga anak o kung sino man ang sumunod na henerasyon, e di tapos patay kung patay!, wag n’yo ng subukan!”, kuru-kuro ng isang taong walang pakialam.

        Ngunit sadyang pursigido ang ilan na buwagin na ang nasabing pader. Ngunit sa salitang pursigido ay ang iba’t-iba ang opinion sa totoong kahulugan nito, pare-parehas ang naisin ngunit iba’t ibang naman ang gusto nila sa paraan ng pagbuwal at ang iba ay likas na nabubuhay sa tsismis, angas, papogi at kuru-kuro lamang.

        Kung susumahin ang tagal sa pagbuwag ng nasabing bato ay aabutin ito ng sampung (10) buwan na tuloy-tuloy. Wala rin kasiguraduhan ang kaligtasan ng mangagawa dahil maaari silang bagsakan nito, dagdag pa doon ay ang gutom na maaaring danasin ng mangagawa dahil ilalaan niya ang panahon sa nasabing balakin.

        Ngunit isang tao ang nakitang may hawak ng maliit na martilyo na nagsisimulang tibagin ang gilid ng pader. Marahil naisip n’ya iyon dahil kung sa tuktok ay wala naman siyang tungtungan na pwedeng hiramin sa mga swapang at makasariling mayayaman na komportableng nakahiga sa naglalambutang kumunoy ng kasakiman. Napagtawan pa nga ang taong iyon dahil kahibangan kung bakit maliit na martilyo lang ang kanyang gamit;

“Sira ka ba?, sampung buwan ang aabutin nyan bago matibag, tapos isa ka lang? Umuwi ka na lang sa inyo!, nagaaksaya ka ng panahon!”; angas ng isang naninirahan.

“Tama naman yang ginagawa mo, pero talagang di mo kakayaning mag isa, pero nasa likod mo ako pag nasa kalahati ka na”, Papogi ng isa pa.

“Di n’ya ba naiisip na ilang dekada na ang pader? E matigas pa iyan sa nangagalaiting ngipin ng pating, kung itulog n’ya na lang yan at isipin n’ya ang sarili n’yang kapakanan, e di may pangkain pa s’ya!”; Tsismis ng isang babaeng nasa gulang na 30 taon.

“Kung sisimulan n’ya yan sa tuktok at gagamit s’ya ng totoong pantibag, malamang mabibilis s’ya, kahibangan ang paraan na ginagawa n’ya” Kuru-kuro ng mayamang mag-asawa.

         Madaling dumaan ang maraming araw, linggo at  sampung (10) buwan ngunit wala pa sa kalahati ang natatapos ng taong iyon. May mga mabubuting tao na minsa’y bumabati at ngumingiti sa kanya, may ilang nagaabot ng pagkain na bumubusog sa kanyang layunin at kaisipan, ang ilan ay naglalaanan ng panahon sa pagtitistis ng bato at simpleng kwentuhan na pumapawi ng kanyang pagod sa maikling panahon.

         Sa di inaasahang pagkakataon ay dumating ang malakas na ulan na naging bagyo din pagkalipas ng ilang araw. Nilubog nito ang nasabing lugar at pinalambot ang lupa na pinagkakatirikan ng pader at dumating ang inaasahang pangyayari. Bumagsak ang malaking bahagi ng pader at dinurog nito ang ilang kabahayan at pumatay ng maraming tao na naninirahan malapit sa pader. Binagsakan din ang taong patuloy na nagtitibag ng pader malapit dito at kamalasan tinamaan ang kanyang paa. Sumisigaw siya ng tulong ngunit wala sinuman ang nakalapit sa kanya marahil sa ginagawang paglikas ng ilang nasanlanta.

         Madaling dumaan ang maraming araw at linggo, natuyo ang lupa at lumiwanag ang lugar na dati’y hinaharangan ng pader, may ilang natirang piraso ngunit sapat na ang ilang araw para lubusang malinis ang dating dilim na kinatatakutan ng karamihan. May nakakita rin ng isang liham na nasa loob ng bote malapit sa mga batong naipon sa pinagtibagan ng pader;

        “Sandali lang akong nanirahan sa lugar na ito at hindi man ako tubo sa inyong lugar ay nalaman ko na ang pader ang dahilan sa pagtakip ng liwanag na dapat tinatamasa ng maraming naninirahan sa lugar, ang pader ang nagpapasikip ng hangin papunta sa mga eskinita na nagbibigay ng sariwang malalanghap at ang pader ang pumapatay sa kagandahan at pag-asa ng nasabing lugar sa kadahilanan sa takot na ito’y mabuwal. Hindi sapat na nalalaman mo o alam mo ang gagawin, mas impotante pa rin ikaw at ang sarili mong kamay ang gumagawa”.

         “Kung darating ang panahon na matitisod ka, manatili ka munang nakayuko at tingnan mo ang dahilan ng iyong pagkatisod, bumangon ka at wag hayaan madaganan ka ng sarili mong kahihiyan. Lagi mo ring iisipin na ang desisyon ay hindi lang lagi sa pansariling kapakinabangan kundi sa haba at dami ng taong makikinabang. Hindi man uso ang bayani pero tandaan mo mas higit pa din ang may ginawa at may ipinaglaban kaysa sa tsismis, angas, papogi at kuru-kuro. Hindi ka man makilala, tandaan mo lagi na may mas higit na nakakakilala at pantay na nagbibigay pataw sa mga pangyayari”.
Simula noon ay hindi na muling nakita ang nasabing tao at tinibag na rin ng mga tao ang natitirang kapirasong bato.

The End.

Gawaing Pagsusulit:
  1. May pader ba na nakatayo malapit sa inyo? Tibagin!
  2. Tinibag mo? Ilang araw?
  3. Magdrawing ukol sa kwento, huwag kalimutan ang martilyo!
  4. Saan pupunta ang nasabing tao? Magtitibag ulit?