Powered By Blogger

Chapter XV: Souvenir

        Sa halos anim na taon ko sa pusod ng Tondo, naging parte na ng buhay ko ang pagiging saksi sa mga di matatawarang drama sa paghahatid ng mga patay sa kanilang huling hantungan.
Linggu-linggo na lang, hindi ko lang alam kung sumpa na sa tuwing papasok ako ng PM shift laging may patay na pinaparada along Sangandaan-Divisoria, na nagmimistulang box office sa dami ng taong nakikiramay at ang mabangis doon ay di lang isang patay ang makikita mong pinaparada kaya nagdudulot ito ng pag-init ng ulo ng mga di makaunawang driver at pasahero.
Sa sobrang kainipan sa paghihintay, minsan nagiging libangan ko na ang pagbilang sa dami ng karong makakasalubong ko, ang pag tingin sa iba’t-ibang disenyo ng ataol na kala mong nasa department store na nagbigay sa’kin ng ideya kung anung kulay ang gagamitin ko at ang pagtingin sa emosyon ng mga taong kasunod ng puti o itim na kotse na kanilang itinutulak kahit na may gasolina’t gulong naman na nagbubuga ng itim o maputing kaluluwa ng sasakyan na bumubusog din sa kanilang humihikbing baga.
Isa, dalawa tatlo... Labing dalawa! Ya’n ang pinakamadaming patay na nakasalubong na hanggang ngayon ay di pa nabe-break at ang nagpapapanting pa dito ay di sila magkakasunod sa isang linya kundi magkasalubong pa na parang nag-usap, na umiipit naman sa gitna sa nagngangalit na driver at pasahero. Kung di lang siguro patay ang may kasalanan ng trapik malamang sinagasaan na ng driver ang lahat ng tao sa kalsada dahil sa mga murang maririnig mo sa kanila kasabay ang init ng araw at sasakyan.
Kung titingnan mo ang mukha ng mga nagsisipag libing hindi mo naman talaga lahat masasabing lahat ay may kakilala sa patay. Tingin ko nga parang reunion na rin ito ng mga nagjajaming na mga lolo’t lola dahil hindi sila maubusan ng jackass nilang kwentuhan. Natural na makikita sa puwitan ng sasakyan ang mga kamag-anak na may mangilan-ngilan na umiiyak ay iba kasi ay naka-shades, marahil para cute pa rin sa picture o video, sila rin kadalasan ang tumutulak at sumisinghot ng usok sa tambutso ng sasakyan. Kasunod naman nila sa likuran at iba’t-ibang emosyon ng mga taong nakikiramay sa kainan “ay ekskwusmi po!”, sa patay! Madalas ay makikita mo silang nagdadaldalan na may mangilan-ngilan na may tangan na payong, at swerte rin kung magkaroon ka ng T-shirt na give away na may nakatatak na “Justice for Juan”, na nagbibigay sa’kin ng panibagong ideya.
“Sana pag namatay ako, huwag muna ngayon... ang give away ko ay keychain na ataol na nabubuksan na parang pendant. Pagbinuksan mo ‘yun andun ang nakaukit kong mukha o kaya picture na lang pag tinipid sa budget. Nakaukit din sana ang pangalan ko sa puwitan ng ataol na nakalagay ang “Bob-Piz Souvenir, since 1985” yeahhhh! Ang ganda n’un pero ayoko munang ipagawa ngayon.
Mabalik tayo sa mga nakikilibing, hindi rin matatawaran ang mga suot nilang damit lalo na ang mga kabataan kung wala naman give away na t-shirt. May kanya-kanyang porma merong emo, pakista o hiphop depende kung sino ang namatay, kung hiphop ba siya o ano. Kaya minsan nagiging clue na rin kung bakit o paano ang paraan ng kanyang pag kadedbol. Yung ibang wala naman pakiaalam sa damit, ordinaryo mo na silang makikitang naka-blue corner na puti at black na pang-ibaba.
Bakit ko bang nasabing hindi lahat ay nakikiramay? Kasi ‘yung iba masaya pa at bungisngis ng bungisngis habang lumalakad na akala mong sinapian ng masamang espiritu. Minsan masarap isipin na urungan na lang sana siya ng sasakyan at maisama na lang lang sa nitso dahil nakakasira siya sa imahe ng mga nagpapanggap pang nakikiramay. Yung ibang kabataan sinasamtala din ang pagkakataon na manligaw dahil makikita mo silang nagkikilitian o with matching holding hands na parang ikakasal sa simbahan.
Sabi nila kamalasan daw kung makakasalubong ka ng patay na hinahatid sa huling hantungan kaya maraming gimik ang mga matatanda kahit na ang mga taga-maynila, para daw kontrahin ang kamalasan naghahagis daw ng barya o piso depende sa trip mo. pero nanghihinayang naman, kasi pamasahe din ‘yun at baka makatama pa ako ng tao o salamin, tiyak titingin sila sa’kin kung magkaganun. Kaya patay kaluluwa na lang ako at libangang binibilang sila kung sakaling mabe-break pa ang latest record ko. At kung iisipin ko, sa dami ng patay na makakasalubong ko malamang mauubos ang barya sa wallet ko kakabato sa mga patay na makakasalubong ko, kung labing dalawa ang pinaka maraming nakasalubong ko, dose pesos ang tinaas ng pamasahe ko na sana nag-LRT na lang ako, lintik na lang kung makakita pa ako ng patay na nilalakad sa gilid ng riles, baka pagbabarilin ko na lang sila.
Minsan dumadaan sa isip ko kung sakaling makasalubong ako ng patay na namatay sa ospital na pinagta’trabahuhan ko, hindi ko alam kung magiging proud ako, (Imagine)
Bob-Piz: Sa shift ko namatay ‘yan!  (panget, baka mapatay ako)
Awa nang diyos wala pa rin naman ako nakikita, kaya di ko pa nasasabi ang ganon, siguro mayayaman ang namamatay sa ospital naming kaya di mo sila makikita kung saan-saan.
Speaking of mayayaman, ibang klase ang libing dito sa tondo kasi ‘yung iba provided ang jeep ng mga makikipaglibing para hindi sila mainitan sa paglalakad. Meron pa ngang number na funeraria 1 to 10 na parang magfi-field trip lang, unlike sa probinsiya talagang pilitensiya ang paghahatid. Hindi rin naman matawaran ang mga music na ginagamit na pinatutugtog ng mismong sasakyan pangkaraniwan mo nang maririnig ang mga kantang patungkol sa hindi lilimutin, mamahalin, kung maibabalik, ibinalik, sasauli, hihiramin basta lahat hiniram with matching Combo pa minsan kung sikat ang namatay o kaya dati siyang member ng band. Marami pa rin akong naririnig na iba pang sound trip pero hindi talaga ako palatanda ng title at nahihiya rin akong tanungin sila, (Imagine)
Bob-Piz: Miss, anung title ng kanta na ‘yan, baka ‘yan na rin kasi gamitin ko e, ganda kasi.
        Sa huli, ang ending ay sa Sangandaan Cemetery ‘yun lang kasi ang natatandaan kong sementeryo. Pero wala na akong alam kung ano pang gimik ang ginagawa nila ‘dun at wala na akong balak pa silang sundan.
Gawaing Pagsusulit:
1.    Ano naman ang souvenir mo? nagpagawa ka na ba? Saan?
2.  Nagtulak ka din ba sa likod ng karo na sasakyan? Kung oo, sira ulo kaba?
3.  Anong music ang gagamitin mo sa araw na ‘yung libing? Member ka ba ng band? Swerte package na ang Combo!

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento