Maraming mga bagay ang naganap at lumipas sa nagdaang mga taon sa pagiging Nurse ko sa loob ng ospital na naging pangalawang tambayan ko dyan sa kalye ng Nolasco, Tondo. Marami din akong mga naging kaibigan sa iba’t-ibang istasyon mula sa Emergency Room hanggang sa Operating Room dahil ugali kong rumondang na parang barangay tanod na kakandidato bilang kapitan sa buong ospital bago ako dumiretso sa lihim kung pinapasukan.
S’ya nga pala sasamantalahin ko na ring batiin sa pahinang ito ang mga Residenteng doktor at mga kakosa kong Nurses, Nursing Assistant, Orderly, Ward Aid, at mga Hospital staff pati na rin ang Operator na may natatanging mga talento; kung nasaan man kayo, “Fulltank ka!, Rambo ka!”
Sa kabila ng lahat ng mga nakilala ko hindi rin maiiwasan na mawala ang ilan, dala na rin ng tawag ng ibang bansa o kung sinong Engkantong tumawag sa kanila. Pero syempre kung may umaalis meron din namang dumadating na baguhan, hanggang sa malaman kong lolo napala ako sa trabaho ko. Hindi rin mawawala ang iba’t-ibang personalidad sa pinilakang ospital, at mabahagi ang uri ng pakikisama ko sa kanila. May mga Makulit, seryoso, at kung anu-ano pa ewan ko lang kung alin kumbinasyon sila dito:
Nurse komidyan- Ang mga Nurse na mahilig magpatawa at mang-alaska. Sila ang kadalasang bida ng kwentuhan na parang tagapagsalita sa perya at nagpapatigil ng mga seryosahang usapan. Masarap silang kasama toxic man o hindi, dahil hindi mukhang mabigat ang trabaho. Ang mahirap lang sa kanilang malaman ay kung kailan sila seryoso kaya kailangan mo pang i-confirm. Kadalasan ang charting n’ya ay hindi tapos o kaya minadali at minsan nakakalimutan pa.
Nurse Iskolar- Ang mga Nurse sa Ospital na mahal ang kanilang utak at walang sawang mag-aral at matuto, mahilig din silang umattend ng mga seminars, training at kadalasang nagma-masteral. Sila ang future Leaders ng ospital pero konti lang sila ang iba ay impostor lang, kaya kailangang mag-ingat at suriing mabuti. Ang mahirap sa kanila ay masyadong seryoso at laging may legal na pinagbabasihan kahit minsan ay hindi na kailangan at sentido kumon na lang. Kadalasan ang Charting nila ay kumpleto at maraming addendum.
Nurse Tsikadora- Ang mga Nurse na hindi nauubusan ng tsimis at kwento na akala mong kapatid ni Boy Abunda at Kris Aquino, malaking porsyento ang mga Nurse na katulad nito. Lagi siyang updated sa mga nagaganap sa iba’t-ibang istasyon at posibleng magaganap na parang manghuhula. Mahilig din siyang makipagkwentuhan sa pasyente at magaling kumuha ng tiwala, siya ang madalas lapitan ng gusto magpahula “ay este”, gustong makasagap ng chika. Ang mahirap sa kanila ay ikaw ang kanilang pag-usapan, tiyak talo ka. Kadalasan ang Charting nila ay hindi tapos kakadaldal.
Nurse Tekster- Ang mga Nurse na kapatid ng mga telecommunication Company. Walang sawang magpipindot ng cellphone kahit oras ng duty at kadalasang makikita mo sa gilid na ngumingiti. Sila naman ay friendly pero nawawala minsan sa sarili sa di malamang kadahilanan at kadalasan din ay nagiging bingi. Extra talented ang mga hinayupak na ‘to dahil kaya nila pagsabayin ang adiksyon sa kaka-text at ang pagdu-duty. Kaya kamakaylan ay nagpalabas ng memo na bawal na ang magcellphone sa oras ng duty, pero dedma ang grupo na ‘to. Kadalasan may mga Charting na text na rin ang gamit sa mga letra.
Nurse Awtkas- Ang mga Nurse na kadalasang walang pakialam sa kanilang katrabaho at di mo mararamdamang nagtatatrabaho pala sila sa Ospital na mistulang ghost Nurse. Lagi silang nakakulong at Isolated, pero aktib naman sila sa pag-attend ng mga miting. Sila rin ang kadalasang honor Nurse dahil walang reklamo sa kanila kasi di naman sila masyadong nagsasalita. Mahahaba ang Charting ng mga Nurse na katulad nito, kasi dito na nila ini-express ang feelings nila.
Nurse Toksik- Ang mga Nurse na walang sawang maglalakad na kala mong pinurga ng kombantrin. Sila ‘yung lakad ng lakad kahit hindi toxic at napagkakamalang laging may code. Mahilig din silang mag-triple check to the 9th power, at umikot sa mga pasyente kahit gabi. Hindi rin sila kumakain kahit hindi toxic kaya nangangayayat at lumolobo ang eyebag dahil sobrang puyat. Wala naman silang probema pero kadalasan late sa pag-uwi dahil di pa natatapos ang Charting.
Nurse Kliner- Ang mga Nurse na walang sawang maglinis ng istasyon at mag-ayos ng mga stock na akala mong kasosyo ng stockroom. Buhay na nila ang magpunas at mag-post ng “please lang paki-check ang Stock natin... (hingang malalim)”. Mahilig din silang magtapon ng kung anu-ano lalo na kapag nakakalat at di makapagtrabaho hanggat di malinis ang istasyon. Wala naman problema sa charting, nababasa lang naman ang Chart.
Nurse leyt: Ang mga Nurse na sobrang late dumating at galit sa biometrics. Minsan naiisip ko nga kung late ang isang Staff sana iba rin ang sasabihin ng biometrics at di puro “Thank you!”, dapat ganito “@#%*!... Late ka na naman!”. Maraming ganito sa ospital lalo na kapag... anu na. Kaya nakasimangot ang mga from duty sa kanila dahil naninigas na ang muta nila kakaantay. Kadalasan hindi rin tapos ang Charting nila at nagmamadali pang umuwi.
Nurse Aga- Ang mga Nurse na karebal ng Nurse leyt, na nagpapataan ng humigit kumulang isang oras. Malulupet ang mga grupo na ‘to dahil hindi ko alam kung sa gilid sila ng ospital natutulog at naglalatag na lamang sila ng banig. Mababait sila kadalasan, hindi pasanin ng istasyon at malaking porsyento nito ay mga baguhan. Maganda pa silang magtrabaho, pero para kang sa nasa Question and Answer portion kapag kasama mo sila. Sila rin ang mga posibleng tutubong Future Nurse leyt ng ospital pagdaan ng ilang taon.
Wala na akong maisip na grupo pang pwedeng idagdag, pero kung isasama ko ang mga isolated Personality ng mga Nurse sa ospital malamang ay magkahawa-hawa na ang puti sa de kolor. At magkaroon ng malaking mantsa sa mga personalidad ng adik manunulat.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento