Matindi ang paniniwala ko na “Customer is always right”, kahit tatlong beses kong tinatwa ang katagang laging tama ang mga pasyente sa kabila ng panonoxic ng mga nanggagalaiti na kamag-anak sa di ko maintindihang kadahilanan.
Sa totoo lang kung babalikan ko ang mga Incident Report na ginawa ko, patok talaga ang mga reklamo ng kamag-anak sa amin. Da best ang mga reklamo nilang rude daw ako dahil nakikiusap daw akong lumabas sila ng ICU, kahit hindi pa naman oras ng dalaw, kaya ang ending ay ang mala-telenovelang incident report na hindi ko alam kung maipagtatanggol ako. Sa kabila ng lahat naniniwala pa rin akong sila ang laging tama, lalo na ang mga pasyenteng wala sa sarili gaya ng isang karanasan ng isang nurse na ikukubli natin ang pangalan. Isinulat n’ya ang nakakalokong entry na ‘to sa aming communication notebook.
Nurse: ‘Nay, sipsip ka na ng tubig ha?
Pasyente: O sige, (sumipsip ng tubig... pero maya-maya nilabas din)
Nurse: O ‘nay, bakit di mo nilunok yung tubig?
Pasyente: Lulunukin ba?, di mo naman sinabing lunukin e.
Kung iisipin natin tama ang pasyente dahil di naman talagang sinabi ng nurse na lunukin ang tubig na nagpapatunay na patient is always right. Pero malamang kung ako ‘yun, baka iba ang sabihin ko, “sige ‘nay mumugin mo na lang”... (buset!)
“Bakit ba ako nandito? Wala naman akong sakit ah!, sakit sa puso lang. Pakialamera kasi yang mga kumare ko eh, dinala pa ako dito... mga pakialamera sila!” -Pasyente
Tama!, tama ulit ang pasyente... wala siyang sakit at pakialamera ang mga kumareng nagdala sa kanya. Pero malamang kung di nakialam ang mga kumare nya, siguro katakot-takot na kape’t biskwit ang pinaghahanda nila sa gabi ng kanyang lamay.
Magbibigay ako ng gamot na padadaanin sa ugat...
Pasyente: “Ano ‘yan papatayin mo ko no?, lumayo ka sa’kin sisigaw ako!” (nurse natakot din)
Nurse: “Hindi po ‘nay antibiotic po ito na papadaanin sa ugat n’yo.” (pasyente nanlilisik ang mata)
Pasyente: ‘Wag maawa ka sa’kin! (nagwawala at umiiyak)
Sa pagkakataong ito hindi ko na masabing tama pa ang pasyente, dahil di ko naman siya papatayin, ako ang papatayin n’ya sa takot. Kaya nagpagdesisyunan ko ng ‘wag muna ibigay ang gamot at bumalik na lang sa pagkakaupo sa station ng ICU. Maya-maya nagulat na lang ako ng makita kong nakatayo na ang pasyente sa harap ng station na may mas malalaking mata kaysa sa akin at magulong buhok na pang Sadako. Hinugot nya rin ang kanyang swero at ang sonda na inflated pa ang balloon, aw! Ang sakit n’un!, medyo dumistansya ako ng konti na parang nanunuod ng horror film.
Bob-Piz: “’nay bumalik ka ng bed mo!” (Takot na din ako)
Pasyente: “nasaan yung anak ko?”
Bob- Piz: “wala ‘nay baka pumasok... Bumalik ka na ng kama ‘nay!”
Sumunod din naman ang pasyente at tumawag na ako ng doktor para mabigyan siya ng pangpakalma. Grabe nanliit ang mata ko n’un, na nagmistulang singkit. Pêro talagang kinabahan ako ng sobra, kaya para di na maulit ang pangyayari, nilabag ko muna ang katagang “Customer is always right” at tinali namin siya kaysa makita ko na lang ang sarili ko sa gilid na nakahandusay na parang kinagat ng aso na nakapatong sa ibabaw ng ref.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento