Makalipas ang ilang taon sa pagtatrabaho sa Pilipinas, Pangkaraniwan nang usapan sa Nurse Station ang pangingibang bansa. Hindi na rin siguro kailangan tanungin ang dahilan dahil parang automatic na ang destinasyon ng mga ganitong klaseng propesyon. Nagmimistulan tuloy kaming produktong pang- Export ng bansa at parang manggang pinitas na kahit maasim pa sa panlasa at binibigyang pang dahilan na, “Mahihinog din ‘yan, pagdating ng panahon”. Nakakalungkot mang isipin kahit gustuhin naming manatili sa loob ng kinakalawang na bansa, di naman yata namin kayang sikmurain na utasin ng kahirapan ang mga mahal namin sa buhay. Kaya ang drama, aalis na lang para kumita ng mas malaking pera na pwedeng pangpuhunan sa maliit na negosyo na magtutustos sa pag-aaral ng kanilang mga anak.
Hay, hindi na iyon pangkaraniwan, pare-parehas ang istorya, parang nanonood ka lang ng pelikulang Pilipino. Na sa una ipapanganak ang bida bilang isang mahirap, magsasaka, mangingisda o katulong, tapos ipapasok sa isang hasyenda bilang isang alipin. Doon ay makikilala niya ang kanyang ka-love team, pero haharang ang masungit na kontrabida para di sila magkatuluyan. Syempre kapag bida mabait ang karakter lahat pwedeng gawin sa kanya; sabunutan, ilublob sa labada, sampalin o sunugin ang kanilang bahay, kaya carry pa niya sa una at hindi matau-tauhan kahit bumubula na ang bibig. Dadating ang panahon at mauumpog din ang loka, aalis ng hasyenda at titira sa iba. Malalayo siya sa kanyang ka-love team kaya masosolo na siya ng kontrabiba at maswerte na kung maging sila o mabubuntis sya pero joke lang para makapikot. Then makakapag-aral ang bida, kukuha ng propesyong lawyer para ipagtanggol ang naaapi at haharapin ang kontrabida. Sa una ay hindi muna magpapakilala ang bida na siya si darna, kaya itatado ang pangalan sa narda, so hindi naman magegets ng bobong kontrabida na si narda at darna ay iisa. Kaya maloloko siya at mabibili ang lahat ng kanyang ari-arian tsaka pa lang magpapakilala ang bida, kaya magugulat ang kontrabida. Biglang susulpot ang ka-love team yayakapin ang bida then magiging magka-fling sila at eexit ang kontrabida. Doon magsisimula ulit ang kalaban magtatanim kamote at aani ng ginto then reresbak siya sa bida aagawin ang titulo ng lupa pero sa huli ay talo pa rin siya. The End... pero pag nag click sa masa tiyak may part 2, or the movie pa, itutuloy ang kwento pero bababa ang rating kaya iibahin na lang ang show.
E nasan ang nursing dun? Mawawalaan ng trabaho sa totoong buhay ang bida then kukuha na lang siya ng nursing dahil ‘yun ang in, babagsak ng board exam sa first take, then magwawagi sa second take. Magkakatrabaho at aayain siya ng mga kasama sa isang agency papuntang Middle East, then interviewhin siya kung paano mag-insert ng NGT. Then after one month magkaka-Visa, makakaalis at makakaipon, babalik sa Pilipinas at magsisimulang magnegosyo. Pero humina ang tindi nilang Ice Candy Munggo, kaya makikipagsapalaran ulit. Aalis ng bansa pero mag-iiwan ng tatlong anak pero walang asawa, nilukuban daw siya ng Espiritu Santo... Pambihira!...Ayoko nang tapusin ang kwentong ito dahil natatakot na ko dahil papunta ng horror.
Minsan tinatanung ko ang sarili ko, magiging pareho lang din ba ang istorya ng buhay ko? Kailangan rin bang makipagsalaran sa ibang bansa para maramdaman mong fulfilled ka sa propesyon mo? Nasa diskarte lang ba o pagharap sa reyalidad ang tunay na sagot sa naghihikahos na buhay at propesyon? Aalis ka din ba at makikipagsapalaran?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento