Akala natin ang kabiguan ay katapusan ng lahat ng bagay kapag may maling desisyon, naligaw ng destinasyon o kaya’y nakabuntis sa di tamang panahon. Pero di ko sinasabi sa pahinang ito na nakabuntis ako no!, napatunayan ko lang sa aking karanasan, na ang kabiguan ay isang panibagong direksyon buhay. Kung sakaling nagkamali tayo o naiba ang ating plano, meron lang talagang mas magandang bagay na inihahanda higit pa sa ating nalalaman.
Sino ba ang mag aakala na ang taong pinangarap na maging arkitekto, at maging pulis nang kanyang mga magulang dahil lang sa walang ma-isuot sa panahon ng pagtatanghal ay hahawak ng BP apparatus at lalapit sa pasyente at magsasabing, “BP lang po... 180 over 100, normal naman po”.
Kahit nung elementarya pa ko, wala akong nabanggit kahit sa panaginip sa mga kakopyahan kong magiging nurse pala ako. Isa lang akong batang laki sa lansangan, naglalaro ng Peter-peter pan, nag-aaral ng walang linis sa katawan, naliligo sa tubig baha at nagpupulot ng basura sa ilog na parang pang maalaala mo kaya! “Cut!”, ano ba yan? Ang arte-arte mo, di ko naman sinabing ikwento mo ang hinanaing mo sa buhay. “Sorry direk, Fulltank ka!... introduction lang yun.
Mabalik tayo sa pag-aaral ko, gaya ng nabanggit ko sa mga unang pahina ng Bob-Piz. Brutal akong ipinasok ng mga magulang ko sa nakakatakot na skul and dormitori dyan nga sa kalye ng Morga, wala naman ako magawa nun dahil engot ako, kaya engot ko ring tinanggap ang alok na maging isang inmate. Sa unang araw talagang ang hirap matulog, lahat yata ng posisyon nasubukan ko na at sa awa ng Diyos puyat kong pinasukan ang unang lecture na nasabing presinto. Di nawala ang mga kwentuhan sa unang araw ng mga bagong inmates, isa ang nangingibawbaw na paksa, “Ang unang gabing walang tulog”.
Huwag muna nating pag-usapan kung paano ang turo sa dormitoryo dahil mas kaabang-abang ang mga patakarang na pinatutupad dito. Di ko ma determine kung Martial Law ng mga panahong iyon, dahil nabubuhay kaming may sinusunod na patakaran na pinamamahalaan ng mga sinyor estyudents na sanay na sanay ng mabuhay nang nakakulong. Marami ang mga fresh na estudyante ang tila na trauma sa kakaibang uri ng environment, kaya merong mga umiiyak at nag iinarteng gusto ng umuwi.
Lumipas ang maraming linggo, at unti-unti naming natutunang ang mga bawal na pwede palang gawin ng patakas. Para kaming Eba’t Adan na nagkagatan sa pinagbabawal na prutas, bagsak ang puno ng karunungan, nagmistulang tangkay ang mga sanga kasaganaan at napudpod ang ugat ng kaalaman. Sa huli lahat ng kumagat sa prutas at may nakitaang ebidensyang Tinga ay pinarusahan, ang iba’y swerteng di nadamay ngunit sobrang kinabahan.
Sa tuwing babalik kami ng dormitoryo sa araw ng linggo upang simulan muli ang pilitensya, iba talaga ang pakiramdam. Yung tipong ayaw mo nang bumalik dahil sa sobrang nakakapagod tumakas sa papuntang tutuban, mag-over da bakod sa likod ng ospital, at magbasa ng walang nalalaman. Pero lahat ay nagsumikap na pagsabayin ang pagtakas at pag-aaral.
Ang buhay ng sopomor ay panahon kung saan pilit naming tinatanggap na kami ay isang kakaibang nursing estyudents, na nililinang ang aming sariling kakayahan, libangin ang kalungkutan, sundin ang katakot-takot na patakaran at tanggapin ang katotohanan. Ngunit sa huli natutunan din naming ang mabuhay na walang tulong ng magulang, kumain ng di sinusubuan, at makipagsabayan sa challenge ng mga exams.
Dumating ang panahon ng sembreak, lahat ay nakahinga na ng maluwag, nasiuwian na sa kani-kanilang tahanan at natira ang mga puno’t halaman, ang mga piping saksi sa aming mga kalokohan.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento