Powered By Blogger

Chapter VI: Pulis

        Nung kinder II pa ako sa isang Day Care Center nagkaroon ng isang Pagtatanghal para sa aming mga Pangarap. Kung saan ay magsusuot kami ng costume upang ipakita kung ano gusto naming maging paglaki. Siyempre abalang abala ang mga nanay kung ano ang ipasusuot sa amin sa natatanging araw. Ang sabi ko sa aking Ina ay gusto kong maging doctor, kaya sa araw ng pagtatanghal ay ipinagsuot nya ako ng pang kabiscout na kulay dilaw na t-shirt galing sa aking kuya na may logo sa dibdib na Scout, short na kulay green, ay medyas na halos na malapit na sa tuhod at sapatos na di ko na matandaan. Kahit wala pa akong kamuang-muang noong mga panahong iyon may mga katanungan pa rin ako na di ko alam ang sagot,
Bob-Piz: “di ba Mommy doctor ako?, bakit ganito yung suot ko?”
Mommy: “Hindi anak pulis ka!, wala kasi tayong makitang damit na pang doctor e.”
        Noong mga panahong iyon, inggit na inggit ako sa mga klasmeyt ko na parang totoo ang kanilang costume; may Titser, pari, bumbero, engineer at marami pang iba at ako siyempre ang di ko matanggap “Pulis.” Panay ang pakondisyon ng aking ina sa mga araw na ‘yon, na ako ay isang Pulis at sasabihin ko sa entablado sa harap ng maraming tao na, “Gusto kong maging Pulis!, para hulihin ang mga masasama!” Wala na kong magawa ng mga panahong iyon kundi  hulihin ang masama at sundin ang akin ina, hindi naman kasi ako mareklamo nung bata pa ko dahil kung gagawin ko ‘yun katakot-takot na palo ang aabutin ko. Sa totoo lang di ko talaga tanggap ang mga pangyayari kaya naguguluhan ako para kabisaduhin ang maiksing linyang binigay sakin ng aking ina.
        Dumating na ang oras ng aming pagsasalita sa harap ng entablado. Dahil alpabetikal ang pagtawag sa mga estudyante, “jockpot” na panghuli ako sa tatawagin. Kabado ako ng mga panahong iyon, at panay pa rin ang pagkabisa ko sa aking linya habang nililito nang isipan sa pagiging doktor. Tinawag na ang aking pangalan, at lumakad ako ng mabilis sa harapan,
Bob-Piz: “Gusto ko pong maging Doktor!, para hulihin ang masasama!”
        Tumigil ang ihip ng hangin, nawala ang mga huni ng ibon at huminto ang pagaspas ng mga puno ngunit sinundan ito nang malakas tawanan ng mga nanay at iba pang nanunuod dahil sa aking pangarap. Malamang tatawa sila, doktor ba naman ang huhuli sa masasama? Ayoko ng alalahanin ang mga pangyayari na ‘yon, pero tandang-tanda ko pa rin  hanggang ngayon ang kahihiyan ko pagkatapos ng lahat. Para akong panabong na tandang na tumakbo sa laban, ibong naligaw sa parang at langgam na biglang natapakan. Ang pambato ng aking ina ay parang naging panabla sa kara-krus na pustahan.
        Hindi naman ako pinagsabihan ng aking ina pagkatapos n’un, pero kung iisipin ko ngayon ang aking pagkakamali isa na lang tong katatawanan. At kahit nasa field pa ko, malapit sa pagiging doktor di ko talaga ma konek kung paano ako huhuli ng masama. Tanging katangahan ko lang ang kaya kong hulihin, at ang mga taong nagbabasa ng mga walang kwentang istoryang gaya nito.
Gawaing Pagsasanay:
1.    Ano ang iyong pangarap sa buhay? May pang costume ka ba ?
2.  Gumawa ng tula mula sa kwento, na di gagamit ng salitang “ang”.
3.  Isadula ang pangyayari, ang Magulang naman ang magsasalita sa entablado.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento