Powered By Blogger

Chapter XXV: Mohawk

Nakakapagod din palang maging pansinin, dahil kailangan mo pa laging ipaliwanag kung bakit mo pinili at ginawa ang isang bagay na sa una pa lang ay wala talaga akong pinagsisisihan. Di ko maintindihan kung bakit di nila maunawaan ang salitang “karapatang pumili” at “personal na desisyon”. Para sa akin ay wala naman masama hangga’t hindi ka nakakaapekto sa ibang tao at nagagawa mo pa rin ang mga bagay na ginagawa mo dati ng maayos.
Sabi nila ang salitang “Respeto” ang bagay na una mong isasaalang-alang sa pagdedesisyon, pero wala ako naiisip na masama lalo na’t ginusto mo ang isang bagay at alam mong dun higit kang magiging masaya na masasabi kong kapantay iyon ng “Respeto sa Sarili”. Kung pipiliin mo ang isang desisyon ngunit hindi taos sa iyong puso ay parang ngumunguya ka ng bubble gum na walang lasa at nakikisama sa mga taong hindi ka lubos na komportable. Kung pagbabasehan ko naman ang salitang “mukhang karespeto-respeto”, ay parang nagbebenta ako ng aking sarili upang pagkatiwalaan nila ako. Para sa akin ay wala sa itsura ang salitang respeto, ito ay nakukuha sa pakikisama mo sa iba ang kung paaano mo rin sila tinatanggap bilang isang tao. Hindi lahat ay nakukuha sa panglabas na anyo, posisyon o estado sa buhay, ang salitang “Respeto” ay nakikilala sa uri ng pakikisama mo sa iba at kung paano mo tinuturing silang parte ng iyong mundo bilang kapatid, kaibigan o ka-trabaho. Hindi ko rin naman pwedeng sabihing “Irespeto mo ako”, dahil sa maykakayahan akong hawakan ang isang tao. Mas masarap yata ang pakiramdam na ginagalang ka dahil sa kaalaman o kakayahan mo at hindi dahil sa posisyon at obligasyon na nakaatang sa’yo at higit pa kung nakakasama mo ang mga taong rumerespeto sa’yo na parang mga kabarkada lang sa kanto. Hindi ko naman tinatanggi ang kahulugan ng “respeto sa unang tingin”, ngunit higit ko lang sigurong pinapahalagan ang “respeto sa pangalawang pagkakataon” ang respetong maaaring magtagal ng habang buhay. 

Ang sarap siguro ang pakiramdam na nagagawa mong pumili na walang nakikialam ngunit nirerespeto ka nila dahil alam nilang higit kang magiging mas masaya at ganun din ang pagtingin mo sa iba. Hindi ko rin naman kasi yatang sabihing ang dumi ng mukha mo, kung may dumi rin ang mukha ko maliban na lang kung parehas kaming bulag sa katotohanang parehas kaming madumi. Sa kabilang banda, wala naman sigurong makakapagsabing siya ay matuwid o karespe-respeto, walang dungis ang mukha at malinis sa pananaw ng diyos. Ang kadalasang mali sa ganitong konsepto ay ginagawang pamantayan ang kaalaman ng tao sa pagtitimbamg kung alin ang mukhang matuwid at katanggap-tanggap.

Sana ay nalinawan ang iba sa ibig kong sabihin, at naintindihan ninyo ang mas malalim na kahulugan ng salitang respeto na hindi nabibili kung saan-saan, ito ay pinag iipinunan, pinag-aaralan, hinuhubog ng karanasan, at hinihinang ng mga totoong tao na nakapaligid sa iyong buhay.
Isa ito sa mga aral na natutunan ko matapos kong magpagupit ng kontrobersyal na M0HAWK. Ayoko na masyadong magpaliwanag dahil ito ay istoryang sensitibo “patnubay ng magulang ay kailangan”.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento