Kung meron mang pinakaaantay ang araw ng mga estudyante sa kumbento dyan sa Morga, Tondo ‘yun ay ang independence day nila matapos nilang bunuin ang apat na taon pakikipagsapalaran kung papasa ba sila o hindi, na parang nakikipaglaro kay kamatayan.
Well, ang sarap talaga ng pakiramdam ng gumradweyt dyan sa kumbento kasi pakiramdam mo ay sobrang galing mo na kahit hindi naman talaga. Konti lang kasi ang nabibigyan ng pagkakataon na makatutong at makatapos dahil sa higpit ng training na parang Philippine Army. Nung natapos ko ang apat na taon ng pagsusunog ng kilay pakiramdam ko ay lumulutang ako na parang adik sa lansangan at mas naging excited pa nung isa-isa na kami tinatawag sa harapan ng stage nung araw ng recognition day, “Bob-Piz” sabay abot ng diploma at kinabitan ng bilog school pin na may maliit na kadena na simbolo ng pagkakabilanggo sa gilid ng aking kwelyo. Pagkatapos n’un ay lalakad ng konti sa harapan poporma at ngingiti sabay pitsur ng potograper na parang model ng toothpaste o shampoo. Higit pang mas exciting ang umasang matatawag ka sa mga natatanging estudyante ng batch ninyo at sasabitan ng medalya. Pero sa kabutihang palad ay di naman natawag ang aking pangalan, hindi pa rin sila nagkamali hanggang sa huling pagkakataon.
Matapos ang hallucination ng Class nagsimula na ang review sa SM mall “este”, sa isang Review Center sa kahabaan ng LRT2. Sa totoo lang mas excited pa akong sumakay ng LRT2 kaysa magreview dahil n’ung panahon iyon ay bago pa ang mga malalaking uod ng tren na lubos na nagpataong bundok sa’ken. Kahit na malayo pa ang V. Mapa sa destinasyon ko ay pinili ko pa rin sumakay d’un for the experience hanggang parang candy pinagsawaan ko ang nasabing uod papuntang Araneta. Matapos ang dalawang buwan na pagsakay ng LRT2, dun ko lang na napagtantong na nagrereview pala ako kaya nagkandarapa ako sa paghabol ng mga topic na dapat kong aralin, kahit di naman totoo. Hindi naman talaga mahirap ang review dahil nga galing ako sa malupit na kumbento, hindi sa pagmamalaki ang batch naming ang laging top sa nga pre-board exam kahit saan mang kwarto, sa batch din naming kadalasan nanggagaling ang top 2 ng mga mini-eksams nila kasi klasmeyt din naming sa review center ang Top 1 ng bord eksam, aw... taob hindi naming sya kaya!
Dalawang linggo bago ang bord eksam, kinundisyon ko at niliko ko ang sarili ko na matatapos na din ang lahat pag-aaral na’to. Binuklat ang mga lumang lecture, binasa ang mga notes sa review at inuto ulit ang sarili sa nakaka-buang na pagbabasa.
Dalawang araw bago mag bord eksam ay pi-nost ng PRC ang mga lugar kung saan kami kukuha ng pagsusulit, nalaman kong malapit lang din sa review center na pinapasukan ko ang lugar na aking pag eeksaminan. At dumating na ang araw na pinaka-aabangan.
Alas-kwatro ng umaga, sabado araw ng board exam, puyat akong bumangon dahil hindi ako makatulog kagabi kakaisip. Nag-almusal ako at naligo na parang wala sa sarili, kinakabahan at mayrong di maipaliwanag na nararamdaman. Sinuot ko ang aking skul uniporm na may pin din na logo ng kumbento, sinuot ang bago at puting sapatos na ginamit ko noong recognition. Madali kong tinahak ang lugar na itinakda kung saan ako mage-exam at saktong alas syete ng umaga ng nakarating ako sa nasabing destinasyon. Pero bago magsimula ang exam ay napansin kong marami ang may dalang cellphone kahit na ipinagbawal daw na “bawal magdala”, na hindi ko alam kung sino nagsabe. Kaya ayon pakiramdam ko naloko ako, pero binulong ko na lang sa sarili ko, “pasensya na first time ko e”. Habang inaantay ang simula ng exam ay kinanta ko ang theme song na “I Surrender All”, yeah totoo ganito ang paraan ko para mawala ang kaba ko. Sinimulan na ang maikling panalangin kasunod ang mga papel ng board exam. Ganun din ang nangyari sa sumunod na araw, hindi ko pa rin dinala ang cellphone ko, baka kasi bigla sabihin na, “lahat ng may cellphone ay hindi kukuha ng exam” na hindi minsan nabanggit ng nagbabantay. Tunay nga, tokneneng nga ako!
Lumipas ang ilang araw, linggo at buwan wala pang balita sa resulta ng board exam hanggang sa dumating na ang balitang may leakage na ang aming exam at napapabalitaang magkakaroon ng voluntary retake. Yes, makakapagdala na ako ng cellphone! Itutuloy... lintik may retake!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento