Powered By Blogger

Chapter IV: Biyahe

         Lumipas ang maraming buwan at no choice akong tinanggap sa isang pribadong Ospital ng Tondo. Kahit malayo ang nasabing destinasyon pinili ko pa rin na bumiyahe simula sa bahay naming sa Obando, Bulacan para lang may maikwento ako ngayon.
PM shift: 2pm-10pm with 15minutes grace period para sa mga taong late na tulad ko.
         Okey na sana ang biyahe ko, mga 12:30pm umalis ako ng bahay na tirik na tirik ang araw. Naka-shades ako kontra UV para sa malalaki kong mata at may bimpo sa likod na kulay pula na parang batang hikain. Sumakay ako ng jeep, mga tatlo palang kami sa loob noon, pumuwesto ako sa gawing kaliwa dahil nasa kanan na ang sikat ng araw. Sa kalagitnaan ng biyahe ko papuntang Tatawid, Malabon napuno na ang aking sinasakyan sabay ng pagdilim ng kalangitan na nagbabantang umulan. Tinanggal ko ang shades ko at ipnasok sa bag, totoo nga madilim na at maya-maya unti-unting pumatak ang ulan. Biglang nabago ang panahon, kung kanina ay halos masunog ang ulo ko, ngayon halos mabasa ang bunbunan ko sa lakas ng ulan. Siyempre dala ko ang aking pananggalang ang Magic payong na may 3.2megapixel.
        Laong lumakas ang ulan, pagbaba ko ng sangandaan, kalookan na parang gustong wasakin ang payong ko na halagang 150pesos lang, na konting ihip ng hangin ay bubukadkad na na parang bulaklak ng kampupot, pero mapalad pa din ako dahil walang ipo-ipo sa mga nadaanan ko.
Sumisipat ako ng jeep na Ilaya, Divisoria ang signboard, di kasi ako basta-basta naniniwala sa mga barker, dahil minsan tinanong ko ang barker:
Bob-piz: Ilaya po? (kunot noo, malaki pa rin ang mata)
Barker: Oo, Ilaya, Ilaya! (sabay sigaw ng malakas na Ilaya)
Dali- dali naman akong pumasok ng jeep sa paniniwalang Ilaya ang sinakyan ko, kasunod n’un ay nagbayad ako ng 11pesos. Pero nang nasa kanto ng Moriones, Tondo na ko, biglang kambyo ng driver papuntang Dagupan, Divisoria. (Teka sa mga di ma-imagine ang lugar paki-trace sa Google Map) Siyempre di ako nagpapansin na mali ang sinakyan ko, sabay baba na lang at lumakad sa tila parke ng moriones papuntang ospital. Sa loob-loob ko “tarantadong barker yun!, sabi n’ya Ilaya, y’un pala ilalayo nya ko, Buwisssset!
Anyway mabalik tayo, pasakay na ko ng jeep. To make sure na Ilaya ang sinakyan ko, tinanong ko ang driver:
Bob-Piz: Ilaya po? (kunot noo, malaki pa rin mata)
Driver: Oo, Ilaya, Ilaya! (sabay sigaw ng malakas na Ilaya)
Bob-Piz: hehe... (ngiting aso sabay pasok sa jeep)
Nang malapit na ang jeep sa C-3 road, kalookan na may maraming vandalism na RECOM, natulala ako sa haba ng jeep at truck na magkakasunod. Sinabayan pa ng ulan na medyo nabawasan na ang patak.
Bob-Piz: Putik!, 1:35pm na mala-late na ko!
Lumingon- lingon ako, nakikiramdam kung lalarga ang jeep. Pêro bigo ako kaya sinabi ko sa driver:
Bob-Piz: Manong, dito na lang po ung 11pesos!
Binigay sa’kin ang sukling 4pesos at bumaba na ko nang jeep, hindi ko sinayang ang oras dali-dali kong nilakad pataas ang C-3 hawak ang aking Magic payong. Ang bílis kong maglakad n’un sa sobrang bílis halos magkasabay na ang kaliwa at kanan kong paa sa paglakad.(lumundag?) Saktong 1:39pm nasa kalsada na ko na medyo konti na lang ang trapik, siyempre wala naman akong balak lakarin ang C-3 papuntang Ilaya (lawit na itlog ko n’un), kaya sumakay na ko ng jeep at nagbayd ng 9pesos.
Medyo tumila na ang ulan pêro bakas pa rin sa kalsada ang tila malakas na ulan, na sandaling umaliw sa mga batang kalye sa Maypajo, kalookan. Kita kong naliligo sila sa kapirasong lubak na nalagyan ng tubig ulan, wow! Instant swimming pool. Pêro awa ng diyos wala naman akong nakitang nag-dive, dahil malamang putok noo nila pag ginawa nila ‘yon.
Medyo bumilis ang biyahe, pero nanliit ang mata ko nang Makita ko na nagkukumpulan na ang jeep sa unahan namin:
Bob-Piz: Taena!, trapik na naman? (tingin sa relos-1:55pm)
Gusto kong pumadyak ng malakas o sumipa ng lata. Pêro siyempre di pa rin ako nawalan ng pag-asa. Bumaba na ko ng jeep pêro sa pagkakataong y’un di ko na sinabi sa driver na “dito na lang po y’ung 9pesos”. Mabilis kong nilakad ang daan malapit sa pamilihan ng Puregold Tayuman, napansin kong malaki palang humakbang ang kaliwa kong paa, kaya pala mas maraming kalyo.
Eksaktong 2:05pm nalagpasan ko na ang trapik sabay para ng ulit ng jeep. Pakiramdam ko n’un nakasakay ako sa kabayong tamad. Gusto kong pukpukin ng payong y’ung driver, dahil nakikipagdaldalan pa siya sa isa pang driver, “late na nga ako e”. Padyak ng padyak ako sa jeep na parang nasa kalesa para maramdaman ng driver na male-late na ko. Awa ng diyos natauhan din ang madaldal na kabayo, kumaripas na rin siya ng takbo. Saktong 2:11pm huminto ang jeep sa kanto ng Morga, ang kanto malapit sa Ospital na pinapasukan ko. Mabilis ang pagbaba ko n’un, pakiramdam ko huminto ang mga tão, jeep, sidecar, kuliglig at mga tambay sa Plaza Morga. Pumasok ako sa hallway ng ospital na parang slow motion na nanalo sa Amazing Race.
Defintion of terms:
Magic Payong- Isang mumurahing payong, na nilalabas lang pag-umuulan, pero hindi pwedeng mabasa baka kasi masira.
Kabayong tamad- ang tawag sa driver na daldal ng daldal sa kapwa driver na hindi inisip na may sakay siyang pasahero.
Barker- ang katulong ng mga driver sa pagtawag ng pasahero, at nanliligaw sa mga pasaherong madaling maloko.
Thought for the day:
        “Kung araw-araw ganito ang biyahe ko, madadala ka!”

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento