Wala siguro tututol sa pananaw ko na kahit anumang plano mo sa buhay sa huli
ang Diyos pa rin ang magtatadhana sa lahat ng pwedeng mangyari. Kaya kung
nasaan ka man ngayon, iyon ang isang makabuluhan at magandang pagkakataon na
pagyamanin ang kalooban ng Panginoon sa ating mga buhay.
Medyo... At sobrang tagal ko na
palang di nagsusulat ng aking mga karanasan, marami na akong di naibabahagi sa
mga personal kong sentimyento sa buhay. Sa mga mambabasa, mamboboso at feeling
nila ay tama pa ang ginagawa ko, fulltank ka!, Rambo ka, salamat sa pagtitiis
na basahin ang mga akdang katulad nito.
Lumipas ang maraming biyaheng
dyip sa buhay ko at nabigyan ako nang pagkakataon na maging bisor sa ospital na
aking pinagtatrabahuhan. Bagamat di pa malinaw kung ano gagawin ko bilang
tagapurga ng mga bakterya, tinanggap ko ang posisyon dahil sa mga
sumusunod na kadahilanan:
1. Magkaroon ng panibagong
karanasan na makisalamuha sa mga kamag-anak kong istapilokokus at kung paano ko
sila kakaibiganin at tapos papatayin, "Haw prendli ay em".
2. Upang lubusan maintindihan ang
pinagkaiba ng etil at aysopropil alkohol, at kung bakit kailangan i-tek awt un
kagaya ng pag-order sa mcdo.
3. Maging model sa paghuhugas ng
kamay at paggamit ng alcohol kagaya nang sa tv comersyal ng bayogenic, dahil
alam kong sa panaginip na lang ako magiging artista.
4. Gusto kong mag-iba lang ng
suot na damit habang umiikot na parang naglalako ng binatog sa buong ospital,
at higit na maunawaan ang kahulugan ang salitang linta at tunay na dedikasyon.
5. Antukin kasi ako at gusto ko
nang grumadweyt sa pagtatali ng mga pasyente tuwing gabi habang sinasabihan ang
pasyente " sige 'nay isa pa, tatali na kita!".
6. Magkaroon ako ng panahon para
makapaghilamos ng maayos gamit ang sponsor kong dove peyshal klenser por men at
kumain ng hindi nagmamadali na parang konstraksyon worker.
Sa totoo lang marami pa akong
mabababaw na dahilan kung bakit ko tinanggap ang nasabing posisyon, nag-plas
tuloy sa aking balintataw ang promowsyon nung ako ay estudyante sa kolehiyo ng
sinabi sa akin ng dekana na, "Some of you classmates call you Hellboy,
explain to me why". Ang sagot ko na lang ay "di ko po alam eh, mabait
naman po ako..." (Ano daw? Saan banda), di ko akalain na makakarating ang
bansag na yun sa aming dekana dahil sa aking kakulitan. Kaya sa mga klasmeyt
kong eber suportib na tumawag sakin hellboy, fulltank ka!, rambo ka! Kita kits
na lang sa langit, naniniwala pa rin ako sa kasabihang "Una-una lang yan,
kaya teks teks na lang pag may taym!".
Iniwan ko ang Medikal ICU at sinubukan kong bigyan ng CPR (Cardiopulmonary
Resuscitation) ang mga kibord, kompyuter at lamesang may kakaibang hugis habang
nakaupo sa upuang may gulong. In syort, nganga ako sa aking mga gagawin
hanggang sa unti-unti ko na lang nakikita ang aking sarili na naglalaslas sa
dami ng resposibilidad. Kaya tinatapik ko na lang ang aking sarili sabay
sabing, "yu ken du it, pakita mong may kakaiba sa kakayahan mo, na kayang
mong baguhin at lagpasan pa ang iyong potensyal higit para sa taong may takot,
naniniwala at kumukuha ng lakas sa maykapal, bikos dat’s the sikret op ebri
sakses in layf (tenyk sa peyborit kong Ed Lapiz book, may natutunan pala ako).
Binabati ko nga pala sa pahinang
ito ang idolo kong nars na nagpasa sakin ng posisyon bilang impeksyon kontrol
nars, fulltank ka!, rambo ka!, (peace po)... Salamat po dahil nagtiwala ka
sakin na ipasa ang posisyon na ito na nagpa-grand mal seizure sakin at
nagpalawak sa kakapiranggot kong kaisipan at kamalayan sa propesyon.
Lumipas ang maraming linggo at buwan, at nalipasan na din ako gutom; natutunan
kong di pala biro umikot sa buong ospital at magtanong kung talagang naghuhugas
sila ng kamay, pilitin paaminin kung natusok sila ng karayom o natalsikan ng
plema sa bibig kakadaldal, habang nagsasaksyon. Di rin biro na hanapin ang mga
peste mikrobyo na pumipirma sa mga det sertipikeyt ng mga pasyente papunta
langit, kahit x40 sum ko pa ang mga naglalakihan kong mata.
Dumami na din ang tumatawag sakin ng "ser gud morning" na parang
titser ng hayskul. Noong una ay nahihiya ako dahil mukha naman talaga ako akong
housekeeping personnel, hanggang sa nasanay na akong tumatango sa kanila na
parang asong ulol, pati na rin sa biometrics! Natutunan kong nakakapagod din
pala bumati ng gud morning pabalik, dahil daig mo pa ang nag grup teks, pero
dahil di naman ako porever unli, sardonic smayl sabay seizure na lang ang las
kong bati.
Ano moral lesson ng chapter na ito for sure wala hahaha...
Well, dumarating talaga sa buhay ng tao ang mga di inaasahang pagbabago, kahit
ikaw pa ay gudboy o hellboy. Lahat naman tayo ay binigyan ng pantay-pantay na
pagkakataon na tuklasin ang makabuluhang kwento na sinulat para sa atin at nasa
atin na lang kung paano natin ikukumpas ang ating mga kamay para bigyan kulay
at kasiyahan ang bawat pahina kung saan tayo tinawag na makapaglingkod.
Gawaing Pagsasanay:
1. Naghuhugas ka ba ng kamay? Yung
totoo!
2. Mabait ba ko? Kung Oo, ilagay ang salitang tama at kung hindi, ilagay ang
salitang Mali at gumawa buod ukol dito, sa isang yellow pad paper, back to
back!
<!-- Google tag (gtag.js) -->
<script async src="https://www.googletagmanager.com/gtag/js?id=G-K04FVMEQ31"></script>
<script>
window.dataLayer = window.dataLayer || [];
function gtag(){dataLayer.push(arguments);}
gtag('js', new Date());
gtag('config', 'G-K04FVMEQ31');
</script>