Powered By Blogger

Chapter XXVIII: Barya

         Ang sabi nila ang taong mapagkakatiwalaan sa maliit na bagay ay mapagkakatiwalaan din sa mas malaking bagay. Kaya minsan kong niloko ang aking sarili na pagkatiwalaan kahit sa maliliit na halaga ng barya.
        Tuwing Disyembre ugali ko ng bilangin ang mga barya na aking naipon sa loob ng isang taon, pero hindi alkansya ang ginagamit ko sa pag-ipon ng pera kundi ang “ Coin Segregation Technique” na kung saan inaalis ko ang barya na naiwan sa aking wallet sa buong araw at nilalagay sa isang garapon na niregalo sa akin nung mga nakaraang pasko, na nakahiwalay ang tigsasampung piso at lima, mamiso at bentsingko.

P2,000 (P5)

P900 (P1)


P76.50 (C25)
 
Coin Segragation Technique


Kung baga sa pagkain walang tapon ika nga, pero kapag d’yes o singkong butas na nilalagay ko ito sa gilid ng aking bintana na nakahilera upang hanapin nila ang kanilang purpose. Hindi naman akong umaasa na dumating ang panahon na lumaki ang mga singko at d’yes sa likod ng aming bahay na kasing laki ng Globe sa MOA, may pamahiin kasi akong naimbento na nakapagpapaswerte iyon na hindi ko pa rin lubos na matanggap.
Bakit ba ako hindi gumamit ng alkansya? ‘yun ay dahil ayokong lokohin ang aking sarili, gaya ng iba na binubutasan ang puwit nito kapag desperado nang magkapera. Kaya ang resulta nagkaka-ulcer ang alkansya, nilalagnat at nagkakasakit. At minsan pang sasabihing, “Promise huling butas na ‘to” hanggang sa tuluyan ng lumala ang nanggagalaiting sakit, na hindi na kayang gamutin ng kahit anong “Proton pump inhibitor” (gamut sa stomach ulcer, hindi pocket ulcer). Bakit ko pa lolokohin ang sarili ko at hindi ako magpapakatotoo at sisirain ko ang aking motto na ako ay mapagkakatiwalaan sa maliit na bagay. Dahil sa ideyolohiya na iyon, naisip ko na mas magandang bukas ang aking ipunan ng pera para nakakakuha ako ng palihim kahit ako ay tulog at buo pa rin ang aking tiwala na hindi ko niloko ang aking sarili.
Teka ano ba ang moral lesson ng mga sinasabi ko? Una, ay ang mag-ipon kahit sa maliit na halaga. Kamakailan ay binilang ko ang bentsingko na aking inipon sa loob ng isang taon, kahit puro kaliskis iyon ay pinagtyagaan ko itong bilangin na umabot sa halagang P76.50 na pimuproblema ko kung saan ko ipapapalit hanggang ngayon at kung interesado kayo mag iwan na lang kayo ng mensahe dito , e sino ba naman kasi ang magpapapalit noon kapalit ang buong perang papel. Lalo na kung d’yes at singko na nanggagaling pa mismo sa mga mall na halos hindi na tinatanggap sa maliliit na tindahan nagpapayo pang;
Sari-sari store:  Syet!.... %^&#!... ang laki ng pera mo sa iba ka na lang bumili. Malulugi ako sa’yo!
        Naisip ko tuloy ang sinasabi ng isang seksing cashier sa isang mall sa monumento;
Seksing Cashier: Thank you for giving exact amount (sabay ngiti at halak sa kaha ng pera)
        Tutal, sa kanila naman nanggagaling ang mga d’yes at singkong butas at gusto nila ng exact amount;
Seksing Cashier: siks handred, en sebenti nayn point pipit (P679.50) sir!
Bob-Piz: Miss simulan mo na!, (sabay buhos ng bentsingko, d’yes at singko!) tingnan ko lang kung di ka mapa-syet at magkasya ito sa kaha mo! (bulong sa sarili), Imagine?!
        Pangalawa, mag-ipon ng malaking halaga. Natuwa ko ng mabasa ko ang librong “Ang Pera na Hindi Bitin” ni Eduardo Roberto Jr (Available in selected PCBS). Nagbigay sa’kin ng ideya sa “Automatic Millionaire” saving system. Ito ay ang automatic na pagbawas ng ilang porsyento sa iyong sahod na napupunta sa iyong special savings sa banko. Halimbawa ay babawas ka ng 10%, na palagay na nating P1000 kada buwan, na P12,000+ sa loob ng isang taon, P36,000+ sa loob ng tatlong taon na wala kang kamalay-malay, P120,000+ sa loob ng sampung taon na savings lang at wala pa ang interes at sinasahod mo buwan-buwan. At ang malupit pa n’un e nurse ka pa sa ibang bansa na maaring tumaas pa ang pwedeng ibawas kada buwan, kitam yayaman talaga ang mga nurses at ang babasa nito, Amen!
        Sa huli nakakaakit man ang magkapera na hindi mo na kayang ubusin (kaya maraming tumataya sa lotto), kailangan pa rin ng tao na gamitin ang pera sa tamang paraan,  mag-invest at ibahagi ang mga blessings sa iba. Di ko makakalimutan ang isa sa importanteng bagay na natutunan ko sa libro ni Ed Lapiz,  “Na minsan binibigay ng Diyos ang maraming bagay sa isang tao hindi lang dahil napagkakatiwalaan tayo, yun ay dahil nais n’yang gamitin tayo bilang taga-pamahagi ng biyaya sa iba!”

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento